June 12, 2009, 11:33PM
A Poetic Prose in Filipino
Lahat ng bagay sa ilalim ng araw ay may dahilan at layunin.
Hindi madaling malaman lalong hindi ang unawain;
subalit sa malao’t madali, maraming tanong ang kailangang sagutin.
“Nagkukubli sa lambong ng makapal na ulap”,
sa ganyan maaaring ihalintulad ang paghahanap
ng isip na bulag sa matuwid na paliwanag.
O bulag nga ba? O pilit lang hinahanap ang gustong makita
at iniiwasan ang totoong nasa harap niya?
Kahangalang habulin ang mabilis na orasan
kung kailan huli na sa takbuhan;
lalu pa ang abutin ang pangarap kung ‘di naman akma sa sukat.
Pilit mang magpumiglas ng ubod lakas,
ibabalik ka rin sa iyong pinagmulan;
kakain ng alikabok habang gumagapang sa lakaran.
Mabuting tanggapin na sa simula pa lamang
ang kakatuwang kinasadlakan.
Maraming dusa at luha ang maiiwasan
kung lalagay lamang sa dapat na kalagyan-
kung sagana ay magpasasa; kung hirap ay magtiis-
sadyang hindi patas ang buhay sa daigdig.
“E ano’ng gagawin mo laban sa kalakaran
kung wala ka namang pinag-aralan”?
“E ‘di mag-aral at magpakadalubhasa”!
“Ang daling sabihin ngunit mahirap simulan”.
“E lalong hindi matatapos kundi uumpisahan”!
“E paano pa ngayon, e huli na”?
Bawat galaw mo, kailangan ng pera,
ultimo bawat butil na isusubo ay may halaga.
Lahat ng gusto mo ay magagawa kung may panggasta.
E paano kung wala? Saan ka kukuha?
Tataya na lang sa lotto at maghihintay ng bola?
Sige, mangarap ka kung may sampung piso ka!
E sa pagkain pa lang yun e kulang na!
Magpalimos na lang kaya sa kalye,
O umasa sa tulong ng mahahabag?
E, pa’no naman kaaawaan kung ang tiyan
ay ‘sing bilog ng pakwan!
Lumpo nga ang mga paa at walang lakas ang katawan,
ngunit nakakapag-isip naman!
Saan nga ba pupunta?
Paano pupunta doon?
Kailangan bang magi-isa o may kasama?
May maghahatid ba o susundo?
Nakakapagod maging inutil!
Pero mas nakakapagod ang mapagod.
Parang sayang ang buhay na walang narating.
Minsang lumakad sa mundo ngunit parang ‘di napansin.
Mabanggit man ang pangalan ay walang makakilala;
lilipas pa ang mga taon at wala nang makaka-alala.
Parang abong hinipan ng malakas na hangin,
hahalo lang sa alikabok na pinapalis.
Mas mabuti pa nga siguro ang mamatay
kaysa isilang sa sangmaliwanag;
mabuting ilibing sa lupa kaysa magpatuloy na huminga;
hirĂ¢p ‘di lamang ang katawan kundi pati ang isip.
Magmukhang tinakasan man ang buhay na walang say-say,
nabawasan naman ang pabigat sa lipunan.
Ngunit ‘di tayo ang nagtatakda ng katapusan,
kinahantungan man ay hindi mo gusto.
Batas pa rin ng langit ang masusunod.
Lahat ng bagay ay may dahilan;
kung gayon, lahat ay may matinong kahulugan.
Kung alam mo na kung nasaan ka at kung saan ka pupunta,
tsaka mo lang makikita ang liwanag.
Doon mo mauunawa ang pakinabang
mula sa mga aral na nalampasan;
tulad ng yamang hindi nawawala,
yun ay kung mayroon kang pang-unawa.
By Arnel Oroceo
From the “Salamin ng Puso” (A Compilation)
Copyright © 2009, Arnel Oroceo All Rights Reserved
Stella's Kitchen
-
We started going to Stella's kitchen a couple of years ago. A friend
invited us for lunch to celebrate her birthday and we just fell in love
with the resta...
No comments:
Post a Comment