Custom Search

Monday, October 31, 2011

Hiwaga ng Pag-ibig


O anong hiwaga mayroon itong pag-ibig?
Nakababaliw; nakapagtataka,
kahanga-hanga; napakasaya,
bumubuhay ng pagkatao;
bagama’t minsa’y nakamamatay din ito.

Kay hirap isipin kung paanong
ang dalawang tao’y pinagtagpo
upang magsama bilang isa habang buhay!
O may lihim na hiwaga ang pag-ibig
at basta ka na lamang bibihagin
at gagawing alipin.

Hindi naman siya Diyos,
nguni’t buong puso’t kaluluwa mo’y
ibibigay ng walang pag-aatubili.
Hindi mo naman nanay,
pero ipagpapaalam lahat ng pupuntahan
pati oras ng balik at ang dahilan
kung sakaling mahuli sa oras na pinag-usapan.

Hindi mo naman tatay,
pero lahat ng sabihin ay kailangang sundin
salungat man sa saloobin.
Hindi mo naman kaanu-ano,
pero ibinibigay sa kanya ang buong suweldo.
Lahat ng kinikita sa kaniya ang intrega,
maliban na nga lang sa kaunting naitago sa kuwalta moneda.

O anong hiwagang mahirap unawain!
Paulit-ulit mang pagtaksilan, pinapatawad pa rin;
ilang ulit mang saktan, tinatanggap pa rin.
Kahit bistado na ang kasinungalingan,
pinaniniwalaan pa rin.

Pupuyatin ka sa paghihintay, pag-uwi’y lasing;
siya pa ang may ganang magalit,
sa ngit-ngit halos gusto mo ng lasunin!
Nguni’t pag tahimik na,
paglipas ng sagutan at sumbatan,
pagkatapos dumaloy ang ilog ng luha,
sa kabila ng galit, iniibig pa rin.

Marahil, ang pinakamalaking hiwaga,
ay ang makita ang kaibig-ibig
na nakatago sa likod ng kapangitan;
‘di lamang sa hitsura o katayuan sa buhay,
o sa edad o maging pisikal na kapansanan.

Hindi iindahin ang maraming sakripisyo,
maipadama lang ang pag-ibig na tutoo.
Ay, kay hiwaga ng pag-ibig!
Mahirap unawaing lahat tayo’y inalipin.

a Free Verse in Filipino
an Official Entry to the 2010 Carlos Palanca Awards for Literature
Copyright © May 2010 by Arnel Oroceo for CPMA 2010
All Rights Reserved, International Copyright Secured

Image above courtesy of:
http://www.lobobear.com/?tag=mystery-of-love

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

Blog Roll