Custom Search

Monday, November 7, 2011

Mga Luha ng Isang Dalaga

Malakas ang buhos ng ulan,
Lumalabo na ang salamin ng bintana,
‘Di na makatagos ang tingin,
Parang mga matang puno ng luha,
Kailangan nang pahirin.

Ang dami kong pinagdaanan,
Hanggang ngayo’y tumatakot sa akin,
Isa lamang ang natitiyak,
Saan man dalhin ng tadhana,
Patuloy kitang mamahalin.

Hindi kayang sukatin,
Damdamin para sa ‘yo,
Sa haba ng panahon,
Nanatili ang pag-ibig,
Mula pa ng mga bata tayo.

Ipinipikit ang mga mata sa katotohanan,
Nguni’t hindi sa mga ala-ala,
Sapagka’t iyon na lamang,
Ang mayroon ako mula sa ‘yo;
Nagbibigay ng ngiti sa puso.

Magmula pa nuo’y mahal na kita,
Hanggang sa mga sandaling ito,
Nguni’t wala na ‘kong maibibigay pa,
Liban sa damdaming nakatago sa puso,
Kasama ng mga ala-ala mo.

Malakas ang buhos ng ulan,
Lumalabo na ang salamin ng bintana,
‘Di na makatagos ang tingin,
Parang mga matang puno ng luha,
Kailangan nang pahirin.


a Free Verse in Filipino
an Official Entry to the 2007 Carlos Palanca Awards for Literature
Copyright © April 2007 by Arnel Oroceo for CPMA 2007
All Rights Reserved, International Copyright Secured

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

Blog Roll