Custom Search

Tuesday, October 11, 2011

Paano Ba Maging Bayani?

Sabi ng isang pulitiko,
magiging bayani ka kung una,
yun ang ipapangalan sa’yo ng iyong ama!
Nakatatawa ang kaniyang biro
na ang pagiging bayani ay ‘di biro.
Karamihan ng mga kinikilalang bayani’y patay na,
inaalayan ng bulaklak tuwing sasapit
ang kanilang kaarawan o araw ng kamatayan.
Subali’t buhay pa rin ba sa ating kamalayan
ang kanilang kabayanihan?
Gugustuhin mo bang sundan
ang daang pinili nilang lakaran?
Maraming makabagong bayani
ang ‘di napapansin.
Bakit? Dahil hindi sila namamatay?
‘Di kailangang laging dumanak ang dugo
at mabuwis ng buhay para maging bayani!
‘Di lamang mga sundalo ang puwede sa ganung parangal!
Nakalulungkot, mga dayuhan pa ang kumilala
at nagparangal sa isang Efren Penaflorida!
Kung iisipin, wala ni isa sa mga bayani natin
ang nangarap na kilalaning bayani.
Wala ni isa sa kanila ang naghangad
na tumanggap ng parangal pagdating ng panahon.
Ginawa lamang nila ang inakala nilang dapat gawin;
na tumugon sa tawag ng kapwa nilang nangangailangan.
Ibinigay nila ang kanilang oras at panahon;
ang malaking bahagi ng kanilang buhay
at hindi ipinagdamot ang kakayahan.
Kabalintunaan kung iisipin:
hindi ginusto ng isang bayani na maging bayani!
Ibinigay lamang niya ang kaya niyang ibigay
upang mabigyan ng pag-asa ang iba.
Kung gusto mong maging bayani,
malamang hindi mo iyun makamit.
Nguni’t kung may tainga kang handang makinig;
may pusong nakauunawa,
may mga palad na handang tumulong
ng walang hinihintay na kapalit,
‘di ako magtataka na bukas o makalawa,
may tatawag sa’yong- bayani!

a Free Verse in Filipino
an Official Entry to the 2010 Carlos Palanca Awards for Literature
Copyright © May 2010 by Arnel Oroceo for CPMA 2010
All Rights Reserved, International Copyright Secured

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

Blog Roll